IskratsPeyper

PANANALIKSIK HINGGIL SA KOMERSYO SA PANGANGAMPANYA 2010




MGA MANANALIKSIK:

Photobucket

Delgado, Krizel

Photobucket

Magpantay,Fatima Elaine

Photobucket

Mandap, Lillianne

Photobucket

Matabang, Jehan Nievez

Photobucket

Torres, Christine Kate

Photobucket

Tugano, Joanna Paula


1 C-MID

KOLEHIYO NG KOMERSYO

UNIBERSIDAD NG SANTO TOMAS

Photobucket



  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

KOMERSYO AT PANGANGAMPANYA 2010





Ang eleksiyon 2010 ay papalapit na. Ito ay ang pagkakataon ng mga tao upang magtalaga ng mga opisiyales na maaaring maglingkod sa ating bayan. Sa kabilang dako, ito rin ay nagbubukas o nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao para magnegosyo. Kaya naman halina't ating tuklasin ang mga kaalamang aming nakalap sa aming pananaliksik. Layon namin na mabigyan at maibahagi sa inyo ang mga impormasyong aming nakalap. Hatid po ng aming pananaliksik na mapatunayan na ang panahon ng pangangampanya ay isang magandang pagkakataon para magnegosyo. Sana ay mayroon kaming maibahagi sa inyo mga kapwa namin Pilipino.
  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

INTRODUKSYON SA PANANALIKSIK




Ang negosyo ay isang gawain na bunga ng pagtaya ng isa o higit pang mga mangangalakal ng kanilang pawis, pag-iisip at salapi upang kumita. Sa panahon ngayon hindi madali ang magtayo ng negosyo. Kailangan ng sapat na kaalaman at diskarte upang mapatakbo ang isang negosyo at mapaunlad ito. Mahalaga rin na ang ibebenta o iaalok na serbisyo ay naaayon sa panahon ng pagtitinda nito. Bilang mga estudyante ng komersyo, nararapat naming malaman kung kalian magandang magnegosyo at kalian hindi. Isang magandang pagkakataon para sa mga nais magnegosyo ang panahon ng pangangampanya. Ang eleksyon ay ang panahon kung saan ang mga mamamayan ng isang bansa ay pipili o maghahalal ng mamumuno ditto. Kung kaya naman sa tuwing darating ang panahon ng eleksyon ay talaga namang gumagastos nang husto ang mga kandidato upang mangampanya. Gagawin ng isang kandidato ang lahat upang makuha ang boto ng mga mamamayan. Sa katunayan, ang paggastos nang malaki ng mga kandidato ay nagbibigay ng malaking oportunidad sa mga negosyante upang kumita nang malaki. Aalamin rin ng mga mananaliksik kung ano ang mga oportunidad na maaaring pasukin ng mga negosyante sa panahon ng pangangampanya at kung ano ang mga negosyong patok sa mga ganitong panahon.



PAGLALAHAD NG SULIRANIN

Marami ang nakikinabang sa panahon ng eleksyon. Iba’t ibang negosyo ang mayroon sa panahong ito. Subalit ang kahalagahan ng pananaliksik na ito ay hindi lamang tutukoy sa paghahanap ng pagkakakitaan sapagkat para sa mga mananaliksik, ang eleksyon ay hindi lamang komersyo sa mga negosyante kung hindi ay isang hakbang para sa makabuluhang pagbabago ng bayan. Ilang eleksyon na ang nagdaan at maraming mga negosyo na ang nagbukas at mayroon ding nagsara. Pana-panahon ang negosyo at ang eleksyon ay isang seryosong usapin. Bilang mananaliksik ay nais na buklatin ang pag-aaral sa pagpapabuti ng komersyo sa bayan at hindi paglimot sa tungkuling makabayan.

Bilang mga estudyante ng komersyo sa kolehiyo, hinanda na rin ng mga mananaliksik ang kanilang mga sarili para sa pagsasakatuparan ng kanilang karapatang bumoto. Sandaling panahon na lamang ay maaari na ring mamili ng nais na maupo sa posisyon, na siya namang inaasahang gagabay tungo sa makahulugang pagbabago sa bayan. Sa mga kadahilanang ito kaya napiling gawing paksa ng pag-aaral o pananaliksik ang eleksyon 2010. Pagtutuunang-pansin ng pananaliksik na ito ang napapanahong isyu tungkol sa eleksyon at ang aspekto nito na mayroong kinalaman sa komersyo. Ang paksang tatalakayin ay tungkol sa panaahon ng pangangampanya at pagsisilbi nito bilang komersyo para sa may mga kapital o mga negosyante.

LAYUNIN

Ang pangkalahatang layunin ay ang mapatunayan na ang “campaign period” sa Pilipinas ay isang magandang pagkakataon para sa mga gustong magnegosyo. Sa ibang salita, ang panahon ng eleksyon ay maaaring magbigay ng pagkakakitaan sa mga negosyante.

Ang mga tiyak na layyunin naman ay ang mga sumusunod:

· Maibahagi ang kaalaman ukol sa iba’t ibang uri ng negosyo na maaaring pagkakitaan sa panahon ng eleksyon.

· Magmungkahi ng mga produktong papatok sa mga tao tuwing panahon ng eleksyon.

· Maipaalam ang iba’t ibang impormasyon na makatutulong sa mga negosyante upang mapalago o kumita ang kanilang mga negosyo.

Nailahad na ang mga kayunin ng pag-aaral na isasagawa ng bawat kasapi ng grupo. Hinahangad ng mga mananaliksik na makamit ang mga ito, magkaroon ng kahalagahan at makatulong sa bawat isa na makaaalam at makababasa ng nilalaman ng pananaliksik.


REBYU NG PAG-AARAL AT LITERATURA

Binanggit ni Dino Balabo sa kanyang kolum sa pahayagang “Punto!” (Enero 19, 2010) ang sigla ng negosyo ng tarpaulin sa panahon ng halalan. Isinaad niya dito ang mga stratehiya, bentahe at disbentahe ng pagkakaroon ng ganitong negosyo. Mayroon ring “thread” sa www.boardreader.com (Hunyo 2009) na tumatalakay sa mga negosyong patok ngayong darating na eleksyon.

Ang libro naman ni Marvin P. Bionat na pinamagatang “How to Win (or Lose) in Philippine Elections” (1998) ay naglalaman ng isang kabanata na tumutukoy sa kahalagahan ng “media exposure” para sa mga tumatakbo sa kahit anong posisyon sa administrasyon.

Isa pang libro na pinamagatang “Spin and Sell: How Political Ads Shaped the 2004 Elections” ni Glenda M. Gloria ang naghayag ng mga importansya ng political ads para sa mga nangangampanya. Isinaad dito kung paanong ang mga naunang panahon ng halalan at ang buhay na talastasan ay nagbago at nagsimulang lumaganap ang telebisyon bilang panghugis ng pang-unawa ng tao at pangimpluwensiya sa pagpili sa mga kandidato.

Ang website ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), www.kbp.org.ph (2010), ay mayroong isang ulat (Enero 11, 2010) na nagtatalaga ng mga gabay sa tuntunin sa mga political ads sa mga istasyon ng radyo at telebisyon. Nakasaad rin dito ang ilang mga resolusyon at pagpapaalala sa Fair Election Act. Ang aklat naman na inilimbag ng Institute of Philippine Culture ng Ateneo De Manila University na pinamagatang “The Vote of the Poor: Modernity and Tradition in People’s Views of Leadership and Elections” ay naghayag ng mga konsiderasyon ng tao sa pagkilala at pamimili ng kanilang iboboto sa eleksyon. Isinaad dito na para sa mga urban participants, kasama na ang kabataan, kinakailangan nila ang mapagkakatiwalaang impormasyon para sa pagpili ng kanilang iboboto. Dumedepende sila sa media sa pagbibigay nito ng mga mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa mga kandidato. Umaasa rin sila sa media sa pagpapakita nito ng mga larawan ng mga kandidato na daan upang makilala nila ang mga ito. Nakasaad din sa aklat na ito na ang pagpili ng mga rural participants ay base sa impluwensiya ng kanilang pamilya at simbahan.

Inihayag naman sa website ng ABS-CBN news, www.abs-cbnnews.com (Pebrero 08, 2010), ang perwisyong dulot ng labis na mga kartelon ng pangangampanya sa mga kalye. Inilahad dito ang mga problemang dinudulot ng labis na pagpapaskil ng mga kartelon at kung anu-ano ang mga palagay ng mga taong nakakakita rito. Binigyang-diin sa pahayag na ito na kung minsan, ang sobrang pagpapaskil ay hindi na nagiging epektibong pamamaraan ng pangangampanya at pagnenegosyo.

HALAGA

Ang pananaliksik na ito ay nakalaan sa mga negosyante lalong lalo na sa mga magsisimula pa lamang at nakalaan rin ito sa mga estudyante ng komersyo na nagnanais na madagdagan ang kanilang kaalaman sa pagnenegosyo. Makikinabang rin ang mga tatakbong opisyales na naghahanap ng magagandang paraan upang mapakalat ang kanilang pangalan.

Mahalaga ang pananaliksik na ito sapagkat makapaghahatid ito ng mga detalye, istratehiya at pamamaraan ng pagnenegosyo. Mahalaga ito sapagkat bukod sa malalaman at mapatutunayan na ang eleksyon ay isang magandang pagkakataon at magandang oportunidad upang mag-negosyo, ang pananaliksik na ito ay magsisilbi ring gabay sa mga baguhang negosyante kung ano ang mga angkop na negosyo sa panahon ng halalan. Mabibigyan sila ng mga ideya kung paano palaguin ang negosyo at kung paano sila makaka-engganyo ng kostomer.

METODOLOHIYA

Sa pagkuha ng mga datos sa pananaliksik na ito ay gagamit ang mga mananaliksik ng iba’t ibang pamamaraan. Isa na ang pag-iinterbyu ng mga may-ari ng mga negosyo at ang pagkalap at pagsasaliksik ng mga impormasyon sa mga libro, internet at sa ibang negosyante ng mga impormasyon sa iba’t ibang mga detalye sa pagnenegosyo sa panahon ng eleksyon.

SAKLAW/DELIMITASYON

Sasaklawin ng pananaliksik na ito ang mga impormasyong makapagdadagdag kaalamanan sa mga mambabasa ukol sa mga oportunidad na hatid ng eleksyon sa mga gustong magnegosyo at hindi kung paano makatutulong ang mga negosyong ito sa pagkapanalo ng kandidato. Iinterbyuhin ng mga mananaliksik ang mga negosyante sa loob ng Metro Manila lamang.

Ang pananaliksik na ito ay sasaklaw din sa mga dahilan kung bakit ang pagnenegosyo sa panahon ng eleksyon ng pangangampanya ay isang magandang pagkakataon para sa mga nais kumita at ang mga magiging epekto nito. Ito ay tatalakay sa mga taong nais magnegosyo at kung ano ang mga pagkakakitaan na patok sa panahong ito.


DALOY NG PAG-AARAL

Ang unang bahagi ng pag-aaral ito ay ang mga nakalap na impormasyon mula sa iba’t ibang sanggunian tulad ng libro, internet at sa mga ininterbyu. Ang mga impormasyong ito ay tutulong upang masusing mapag-aralan ang napiling paksa. Ang mga ito rin ang susuporta at magpapatibay sa panukalang pahayag.

Ang sumunod na bahagi ay tatalakay sa nabuong konklusyon mula sa masusing pagsasaliksik. Ang huling bahagi naman ay ang suhestiyon o rekomendasyon upang mapagbuti at mapayabong pa ang pananaliksik na ito.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

INTRODUKSYON SA PAKSA



Mula sa librong “Business: Its Nature and Environment” nina Raymond E. Glos, Richard D. Steade, at James R. Lowry sinabi na ang negosyo ay isang susing institusyon sa lipunan. Isa ito sa mga aktibong elemento kaya naaabot ng isang bansa ang kanilang maunlad na ekonomiya. Sa pagkamit nito, ang negosyo ay may napakalaking papel na ginagampanan ayon sa mga inaasahan ng mas malaking lipunan kung saan ito nabibilang, at ang namamahala nito ay nahaharap sa mga pagsubok ng paghahanda at pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga tao habang nananatiling responsable sa mga mithiin at ekspektasyon ng iba pang elemento ng lipunan.



Base naman kina Eggland, DLabay, Burrow, at Ristou sa kanilang aklat na “Intro to Business” sa tuwing naririnig ng nakararami ang salitang ‘negosyo’ ang kanilang nasa isip ay ang mga salitang gaya ng trabaho, mga mangangalakal na nakikipag-ugnayan sa mga mamimili at ang iba naman ay naiiugnay ito sa mga kompanya na bumubuo ng ekonomiya ng buong mundo. Ang negosyo ay naglalaan ng napakaraming trabaho at iba’t ibang produkto o serbisyo na naipapamahagi sa tao.

Ayon naman sa aklat na sinulat ni Dr. Gregorio Miranda na study of Business in the Philippines ang pagnenegosyo ay hindi basta basta lamang. Ito ay resulta ng masusing pagpaplano, pag-oorganisa, pagdidirekta at pagkontrol . ang negosyo ay isinasagawa upang makamit ang mga pangangailangan ng tao at gayundin ay makapaglingkod ng serbisyong pang-ekonomiya. Upang magtagumpay ang negosyo kinakailangang alamin at pag-aralang mabuti kung ano ang talagang kailangan ng tao upang sa gayon ay makapagbigay ng mga produkto at serbisyo sa tao.

Ibig sabihin, upang maging matagumpay ang isang negosyo kailangan naaayon ang produktong ibebenta base sa pangangailangan ng tao at dapat rin ay naaayon sa panahon.



Ang eleksiyon ay isa sa mga pinakamagandang panahon para sa pagtatayo ng negosyo. Ito ay ang panahon kung saan ang mga mamamayan ng isang bansa ay pipili o maghahalal ng mamumuno dito. Sa aklat na Bantay ng Bayan ipinaliwanag dito na ang proseso ng eleksiyon sa Pilipinas noong panahon ni Pangulong Marcos Marcos ay “straightforward”. Nagbubukas noon ang mga lugar ng botohan alas-siyete ng umaga. Ang mga lugar ng botohan ay kadalasan o halos lahat ay mga eskwelahan na mayroong isa hanggang limampung mga presinto.

Dalawang opisyal ang nakatalaga sa pagsasa-ayos ng daloy ng eleksyon. Ito ay ang mga chairman at poll clerk. Naroon rin ang UNIDO party representative (isang organisasyon na kontra oposisyon at nabuo upang patalsikin sa pwesto sa legel na proseso si dating Pangulong Marcos) na siyang poll inspector na kinabibilangan ng Board of Election Inspection. Kinakailangan rin na ang mga military, opisyales at mga kandidato ay limampung metro ang layo mula sa mga presinto.

Ayon sa wikipedia, ang halalan sa pagkapangulo, mambabatas at lokal na opisyal sa Pilipinas ay isinagawa nooong Mayo 11,1992. Ito ang kauna-unahang pangka-lahatang halalan sa ilalim ng SALIGANG BATAS 1987 ng Pilipinas. May tinatayang 80,000 na kandidato ang tumakbo para sa 17,000 na posisyon mula sa pagkapangulo hanggang sa konsehal ng bayan.



Sinabi rin sa aklat na ‘Bantay ng Bayan’ sa tuwing sasapit ang eleksiyon ay binibigyan ang mga kumakandidato ng sapat at tamang panahon upang makapangampanya at ito nga ay ang 90 araw bago ang halalan.

Noong Pebrero 9,2010 ay pormal nang nagsimula ang 90-araw na pangangampanya para sa pambansang halalan sa taon na ito na gaganapin sa ika-10 ng Mayo 2010 ayon sa allheadlinenews.com.

Ang pangangampanya ay napakalaking panghatak ng boto sa mga botante. Kaya naman ang mga kandidato ay gumagawa ng kani-kanilang istratehiya at gimik upang tumatak ang kanilang personalidad sa mga botante. Ito ay ayon sa allacademic.com.

Ayon sa librong “How to Win(or lose) in Philippine elections” ni Marvin P. Bionat, ang kapangyarinhan ng mass media ay napakahalgang salik sa kalalabasan ng eleksiyon sa Pilipinas. Noong 1970, 48.7% lamang ng mga Pilipino ang may koneksyon sa radio at 5.5% sa telebisyon. Mga bandang 90’s naman ay tumaas pa ang porsyento ng media exposure sa 81.9% para sa radio at 49.1% sa telebisyon.


Mula rin sa librong ito, isa pa sa mahalagang salik sa kalalabasan ng eleksiyon ay ang mga islogan ng kandidato, ngunit isa rin ito sa mga napakahirap iparating sa mga tao. Ang malinaw lamang ay ang paggamit ng isang napiling pahayag na agaw pansin ay nakakatulong sa isang kandidato para ipabatid ang particular na imahe o ire-presenta ang ispesipikong tema sa kanyang kampanya. Ang mga islogan rin ay isang napakagandang panghikayat sa mga botante, tinutulungan nito na magka-interes at magkaroon din ng mataas na label ng partisipasyon ang mga boboto.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

KATAWAN

Ayon sa www.sulit.com, isa sa magandang pagkakitaan ngayong panahon ng eleksiyon ay ang T-shirt printing at iba pang mga printing activities o mga negosyong may kinalaman sa pag-aadvertise.

Ang mga mananaliksik ay nagsagawa ng pakikipagpanayam sa iba’t-ibang negosyante na nag-mamay-ari ng mga negosyo na nabanggit.

Sa pakikipagpanayam ng mga mananaliksik kay Gng. Winnie Gasis tagapamahala ng RCG Printing Press and General Engraving Services na makikita sa 1955 C.M. , Recto Avenue, Sampaloc, tumaas raw ang kanyang kita pagpasok ng campaign period. Dumoble raw ito.

Ayon naman ng mga mananaliksik kay G. Virgo Gaspay ng Spicy Yellow Printshop, sinabi nito na halos 75% ang itinaas ng kinikita niya kumpara noong bago pa magsimula ang panahon ng pangangampanya. Mula sa P3,000 araw-araw, naging P250,000 na raw ito ngayon. Ayon rin sa kanya, ang karaniwang ino-order daw ng isang tao sa kanya ay 40,000-1,000,000 piraso. Katulad nina Gng. Winnie Gasis, G. Virgo Gaspay at Criselo Peniola, tumaas rin daw ang kita nina G. Bob Apalla ng Anjo’s Printshop at G. Nitz Gonzales ng Ken Printing sa 2127 C. M. Recto Avenue, Sampaloc,. Ayon kay G. Apalla, tumaas daw ang kita nila ng 10%. Sa isang araw ay nakaka-sampung customers sila at sa sampung customers na ito raw ay kumikita sila ng P35,000 araw-araw. Ayon naman kay Gng. Gonzales, bago raw magsimula ang panahon ng pangangampanya ay P10,000 kada araw ang kanyang kinikita. Kada araw ay mayroon siyang anim na kostomers at mayroon din namang mga regular kostomers.

Sa mga binebenta niyang tarpaulin, T-shirts, posters at stickers, posters at stickers ang may pinakamalaking bahagi ng kanyang kinikita.

Samantala, ayon kay Gng. Violeta Magtadeo ng Violet Printingshop, isa sa mga kinapanayam ng mga mananaliksik, bumaba ang kita niya at minsan ay wala pa siyang kinikita pagdating ng campaign period. Ang pinakamalaki niyang kita ay P1,000 hanggang P1,500. Ayon naman kay Bb. Jenny Antonio ng Allianna’s Printshop na matatagpuan sa 2081 C.M. Recto Avenue, Sampaloc, Manila hindi nagbago ang kita niya nang magsimula ang campaign period. Pareho ang dahilan na ibinigay nina Gng. Magtadeo at Bb. Antonio kung bakit hindi tumaas ang kanilang kita, at ito ay ang pagtitipid ng mga kandidato. Ang mga kandidato na raw mismo ang gumagawa ng kani-kanilang campaign materials.

Narito ang tsart na nagkukumpara ng kita ng mga negosyanteng nakapanayam bago ang panahon ng pangangampanya at sa panahon ng pangangampanya:

PRINTING BUSINESSES

Kita bago ang panahon ng pangangampanya (2010)

Kita panahon ng pangangampanya(2010)




Violet Printing

1500

1000 (kung minsan ay wala)

Allianas Printshop

1500-2000

1000-1500

RCG Printing Press

10000

13000

RITAGA Enterprises

10000

20000

Ken Printing

10000

15000

Anjo’s Printshop

5000

6000

Yellow Spicy Printshop

3000

250000

Maliban sa pakikipanayam sa mga may ari o tagapamahala ng mga Printing Businesses ay nakapanayam rin ang mga mananaliksik ng mga may-ari ng iba pang negosyo. Isa na rito ay si Gng. Edith Bautista, tagapamahala ng GARB System– isang negosyo na gumagawa ng T-shirts at caps. Ang kompanya ay makikita sa 19 6th Avenue Cubao-President, Quezon City.

Ayon sa kanya ang negosyo o ang kita ng negosyo ngayong panahon ng pangangampanya ay halos kaparehas lamang ng kita nila bago pa man pumasok ang panahon ng pangangampanya. Ngunit sa kabilang dako naman ay tumaas pa rin ang kanilang kita kumpara noong nakaraang eleksiyon. Ayon sa kanya, tumaas nang 30% ang kita ngayon sapagkat mas madami ang nagpapagawa ngayon dahil kasagsagan ng panahon ng pangangampanya. Ang kita nila ay depende lamang sa bilang na kinukuha, kung nakabenta sila ng 50,000 na shirts sa isang buwan, kikita lamang sila ng P25,000 sapagkat maliit lang ang patong nila pagdating sa election shirts. Kaya naman habang lumalaki ang volume ng order, lumiliit ang kita nila. Iba-iba din ang bilang ng kanilang mamimili kada araw ngunit nabanggit niya sa panayam ng mga mananaliksik na ang bawat mamimili kadalasan ay umoorder ng 5,000 na shirt, kung minsan mayroong 15,000 order ng shirt at meron rin namang 500 piraso lamang.

Hindi katulad ng ibang mga printing businesses na walang ginagawa upang makahalina ng mga mamimili, ang GARB System ay nagpapadala ng sample shirts kasama ang presyo nito sa mga kandidato bago ang panahon ng pangangampanya.

Kinapanayam rin ng mga mananaliksik si G. Felino Magpantay, shift manager ng Republic Cement Corporation, dating kilala sa tawag na Fortune Cement Corporation (Batangas Branch), – isang kilalang kompanya na gumagawa ng mga de kalidad na semento.

Ayon sa kanya, bagaman mayroong kinakaharap na pangmalawakang krisis ang bansa, ang kanilang kompanya ay hindi sila naaapektuhan nito. Sa halip nakapagbebenta pa sila ng limang milyong bags ng semento kada buwan na 20% mas mataas kumpara noong bago pa man sumapit ang panahon ng pangangampanya. Lumakas ang kanilang kita sa kabila ng hindi nila pagsasagawa ng mga advertisement para makahikayat ng mga kostumer. Nang pumasok ang campaign period ay kumikita na sila ng dalawang daang milyon (P200,000,000) para sa buwan ng Marso. Sinabi ni G. Magpantay na halos walang pinagbago ang kanilang kita kung ikukumpara sa kita nila noong nakaraang eleksiyon.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

KONKLUSYON

Batay sa isinagawang pakikipanayam ng mga mananaliksik, masasabing ang panahon ng pangangampanya ay isang magandang panahon upang magnegosyo, partikular na ang negosyong katulad ng printing business. Ayon sa mga kinapanayam ng mga mananaliksik, hindi man lahat, karamihan ay tumaas ang kita nila sa panahong ito. Bahagya man ang itinaas ng iba, mayroon namang mga umangat ang kita at talagang tumaas ang benta kumpara noong hindi pa nagsisimula ang panahon ng pangangampanya. Kung sa mga ordinaryong araw ay kumikita ang mga negosyanteng ito ng partikular na halaga, tuwing panahon ng pangangampanya ay dumodoble o tumitriple pa ang kita nila. Ito’y sa kadahilanang ang mga produkto o serbisyong inaalok ng negosyong ito ang siyang sagot sa pangangailangan ng mga nais tumakbo sa darating na eleksiyon. Kanya-kanyang paraan na ang mga kandidato upang maipakalat ang kanilang pangalan at isa na nga rito ay ang pag-imprenta nito sa mga t-shirt, fliers, tarpaulin, baller at kung anu-ano pang gamit. Bukod sa printing business ay marami ring iba’t ibang negosyong patok sa panahong ito gaya ng catering o food business at paggawa ng political advertisement gaya ng videoclips at commercial. Ang mga negosyong nabanggit ay nagbibigay ng mga produkto o serbisyong nakakatulong sa mga kandidato na maging kilala at maipakalat ang pangalan kaya naman tumataas ang demand ng mga tumatangkilik dito.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

REKOMENDASYON

Maraming negosyo ang maaaring pagkakitaan ngayong “campaign period”. Iba’t ibang uri ng produkto at serbisyo ang maaaring ipamahagi o gawin ng mga nais kumandidato kung nais nilang mapansin. Mayroon rin namang ibang negosyong patok sa panahong ito dahil ang campaign period ay panahon rin ng tag-init. Narito ang ilang mga rekomendasyon at mungkahi na maaaring makatulong upang mas mapabuti pa ang mga negosyo at mga itatayo pang negosyo sa tuwing campaign period.

· Sa magsisimula pa lamang ng negosyo, maghanap ng magandang pwesto para sa itatayong negosyo. Magandang lugar ang madaming tao at lugar na kilala sa paggawa ng campaign materials.

· Magpakalat ng pangalan ng negosyo sa pamamagitan ng paglalagay ng contact details sa nagawang produkto.

· Maging resonable sa ibibigay na presyo sa mga produkto o serbisyo.

· Makipag-ugnayan sa mga kakilalang nangangailangan ng produkto at serbisyo.

· Gawing kakaiba ngunit epektibo ang produkto o serbisyong inaalok upang tangkilikin ng mga mamimili.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

PAGKILALA

Ang pananaliksik na ito ay hindi magiging matagumpay kung hindi dahil sa ilang taong tumulong at nagbigay ng kanilang talino at kakayahan upang maisagawa ito. Dahil dito, nais ng mga mananaliksik kunin ang pagkakataong ito upang magpasalamat sa kanila. Nais ng mga mananaliksik na magpasalamat unang una sa kanilang propesor sa pagbibigay ng kanyang panahon upang maibahagi ang kanyang mga kaalaman. Nais rin ng mga mananaliksik na magpasalamat sa kanilang propesor sa pagbibigay ng pagkakataong ito upang makapagbahagi ng pananaliksik sa iba’t-ibang larangan. Nais rin nilang magpasalamat sa kanilang mga kagrupo na tumulong sa paggawa ng pananaliksik na ito at ginawa ang lahat upang magawa at matapos ang kanilang parte sa proyektong ito. Nagpapasalamat din ang mga mananaliksik sa kanilang pamilya sa pagpapaubaya at pagbibigay ng kani-kanilang mga pangangailangan, pinansyal man o emosyonal. At sa suportang kanilang ibinigay habang isinasakatuparan ang pananaliksik na ito. At higit sa lahat nais magpasalamat ng mga mananaliksik sa Diyos sa pagbibigay sa mga sa mga mananaliksik ng kakayahan upang matapos ang pananaliksik na ito. Sa pag-gabay sa kanila habang ginagawa ito at sa pag-gabay sa kanila sa mag problemang kanilang hinaharap habang tinatapos ito.
  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

BIBLIYOGRAPIYA


  • “Study of Business in the Philippines”
ni Dr. Gregorio Miranda

  • “Business: Its Nature and Environment”
nina Raymond E. Glos, Richard D. Steade, at James R. Lowry

  • “Intro to Business”
nina Les Dlabay,James L. Burrow,Steven A. Eggland

  • “How to Win(or lose) in Philippine elections”
ni Marvin P. Bionat

  • "Spin and Sell: How Political Ads Shaped the 2004 Elections"
nina Glenda M. Gloria, Ana Maria L. Tabunda, Carmela S. Fonbucna

  • “The Vote of the Poor: Modernity and Tradition in People’s Views of Leadership and Elections”
ng Institute of Philippine Culture ng Ateneo De Manila University

  • http://tl.wikipedia.org/wiki/Halalan_para_sa_Pagkapangulo_ng_Pilipinas,_2010
  • http://boardreader.com/thread/Negosyong_patok_Ngayong_darating_na_elek_b9p7X1o8v.html

  • http://www.kbp.org.ph/political-advertisements-quick-guide-for-broadcasters

  • www.allheadlinenews.com

  • www.abs-cbnnews.com

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

Followers